Shabu

Tindera itinago shabu sa ari para sa bf na preso, arestado

Steve A. Gosuico Jul 19, 2026
177 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City — Isang 56-taong-gulang na babaeng vendor ang dinakip matapos itago umano sa ari nito ang shabu na tangkang ipuslit sa loob ng pasilidad ng Nueva Ecija Provincial Jail (NEPJ) para sa kanyang nakakulong na live-in partner, ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall.

Batay sa ulat ni city police head Lt. Col. Renato C. Morales, sinabi ni Claravall na naharang ang naarestong babae sa isang regular na inspeksyon ng mga bisita sa men’s custodial facility ng NEPJ sa Bgy. Caalibangbangan.

Naaktuhan umano ang suspek nang kapkapan siya at makuhanan ng dalawang plastic sachet na may shabu na nakatago sa kanyang ari na sinasabing balak niyang ibigay sa kanyang dyowa.

Tinatayang nasa 0.9 gramo ang nakumpiskang kontrabando na nagkakahalaga ng P6,120.

Samantala, tatlo pang pinaghihinalaang tulak ng droga ang naaresto rin sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Talavera at Gapan City noong Sabado.

Sinabi ni Talavera police chief, Lt. Col. Erwin V. Ferry na ang naarestong suspek sa droga ay nakuhanan ng dalawang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P13,600.

Sa Gapan City, dalawang hiwalay na buy-bust operations sa Bgys. Mangino at Sto. Niño ang nagresulta sa pag-aresto kina alyas Kadong, 40, at Eji, 42, ayon kay police head Lt. Col. Wilmar M. Binag.

Nakumpiska mula sa dalawa ang humigit-kumulang tatlong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400.

Ang mga naarestong suspek ay sinampahan ng paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).