Calendar
Kelot dinampot sa gahasa ng anak


KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna— Bagsak sa kulungan ang isang 31-anyos na lalaki na kabilang sa Regional Most Wanted Person matapos maaresto ng mga awtoridad sa Barangay San Miguel, Padre Garcia, Batangas nitong Biyernes ng madaling-araw, Agosto 14.
Kinilala ang suspek sa alyas na Mark, na nadakip ng mga tauhan ng Padre Garcia Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape by Sexual Assault na may kaugnayan sa RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ayon sa ulat, pinalabas ng Family Court Branch 2 ng Lipa City ang warrant noong Marso 19, 2026, kaugnay ng diumano’y pagsasamantala ng suspek sa 12-anyos na anak na babae noong Mayo ng nakaraang taon.
Inirekomenda ng korte ang piyansang ₱200,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Binigyang-diin ni PRO Calabarzon Regional Director PBGen Dominic L. Baccay na ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng kanilang B.E.S.T. Initiative Against Sexual Offenders.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Padre Garcia MPS habang inihahanda ang pagbabalik ng warrant sa korteng naglabas nito.

