Cong.Bienvenido

Abante: Kaso ng 31 sabungero maaaring mabaon sa limot

278 Views

AMINADO ang isang Metro Manila congressman na hindi malayong mabaon na lamang sa limot ang kontrobersiyal na kaso ng dinukot na 31 sabungero.

Sa panayaman ng People’s Taliba kay House Deputy Majority Leader at Manila 6th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” Abante, sinabi nito na maaaring tuluyan ng malimutan ang kaso ng 31 sabungero dahil maging ang mga awtordad ay blanko sa kanilang isinagawang imbestigasyon para tukuyin ang mga taong nasa likod ng pagdukot.

Nang tanungin si Abante kaugnay sa kaso ng 31 sabungero, sinabi nito na: “Wala na po sigurong kahihinatnan ang kasong ito, hindi nga nabibigyan kahit man lang pabuya yung pamilya eh. Aba sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang nangyari diyan, hindi rin alam kung bakit hindi malaman ng ating kapulisan ang problema sa kasong ito”.

Nagpahayag ng kalungkutan si Abante dahil sa naging kapalaran ng kaso ng nawawalang 31 sabungero sapagkat hindi man lamang aniya nabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga biktima.

Bukod rito, sinabi pa ng mambabatas na hindi rin nabigyan kahit man lamang pampalubag loob na kompensasyon ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.

Ipinaliwanag pa ni Abante na maging silang mga kongresista ay maaaring hindi na rin nila masyadong matutukan ang nasabing kaso sa bisa ng isang imbestigasyon dahil masyado na silang abala partikular na sa pagtalakay ngayon ng Kongreso sa 2023 proposed national budget.

Dahil dito, naki-usap ang Manila solon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na huwag na nilang buksan ang “online sabong” dahil sa mga problemang idinudulot nito sa “moralidad” ng mga Pilipino na nahuhumaling sa E-Sabong.

“Ipinaki-usap ko sa PAGCOR na huwag na nilang buksan ang E-Sabong at sundin na lamang nila ang utos ni dating Pangulong Duterte na itigil na ang lahat ng operasyon nito pero iyon daw ay pag-uusapan pa ng board kung ihihinto o hindi ang operation ng E-Sabong,” dagdag pa ni Abante sa panayam ng People’s Taliba.