Phivolcs

Alert Level 3 itinaas sa Mayon Volcano

704 Views

ITINAAS sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa Albay matapos na makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng pyroclastic density currents o “uson” mula sa pagguho ng bagong umuusbong na lava sa bunganga ng bulkan nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang pagdaloy ng uson dakong 12:30 ng tanghali matapos gumuho ang bagong labas na lava sa Bonga Gully sa timog-silangang bahagi ng bulkan at umabot hanggang 2 kilometro mula sa summit crater, indikasyon ng tumitinding aktibidad ng bulkan.

Tumagal ang pag-agos ng mainit at mapanganib na abo at bato nang halos tatlong minuto.

Ang Alert Level 3 ay nangangahulugang may lumalakas na posibilidad ng mapanganib na pagsabog sa loob ng mga susunod na araw o linggo.

Dahil dito, inirerekomenda ang agarang paglikas ng mga residente na nasa loob ng 6-kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng lava flow, uson, pagguho ng bato at iba pang panganib.

Kaugnay nito, iniutos na rin ng lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay, ang paglikas ng mga residente sa apektadong lugar.

Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil delikado sa sasakyang panghimpapawid ang ash mula sa biglaang pagsabog.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng ahensiya sa Bulkang Mayon, habang hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad para sa kaligtasan.

Naglabas na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng pinalawak na flight safety advisory kaugnay ng patuloy na aktibidad ng mga bulkan sa bansa.

Ayon sa Phivolcs, pumutok ang Bulkang Kanlaon nitong Martes at naglabas ng kulay-abong ulap ng abo na umabot sa 11,000 hanggang 15,000 talampakan at lumipad patungong timog-kanluran.

Iniulat din na may iba pang mga bulkang nagpapakita ng senyales ng pag-aalboroto.

Upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng operasyon ng paglipad, naglabas ang CAAP ng updated na mga notice to airmen (NOTAM):

• Bulkang Kanlaon
Bisa: Enero 6, 9:39 a.m.–Enero 7, 5:55 a.m.
Saklaw na taas: Mula sa lupa hanggang 13,000 talampakan

• Bulkang Bulusan
Bisa: Enero 6, 8:16 a.m.–Enero 7, 9 a.m.
Saklaw na taas: Mula sa lupa hanggang 10,000 talampakan

• Bulkang Taal
Bisa: Enero 6, 8:14 a.m.–Enero 7, 9 a.m.
Saklaw na taas: Mula sa lupa hanggang 11,000 talampakan

• Bulkang Mayon
Bisa: Enero 6, 8:16 a.m.–Enero 7, 9 a.m.
Saklaw na taas: Mula sa lupa hanggang 11,000 talampakan

Mahigpit na pinapayuhan ng CAAP ang lahat ng mga operator ng eroplano na iwasang lumipad malapit sa mga tuktok ng bulkan at patuloy na subaybayan ang mga NOTAM at opisyal na abiso para sa mga susunod na update. Nina ZAIDA DELOS REYES, MELNIE RAGASA-JIMENA & JUN I. LEGASPI