Koreana

Babaeng dayuhan na wanted sa S. Korea arestado ng BI

Jun I Legaspi Aug 23, 2026
147 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents noong Agosto 7 ang 29-anyos na South Korean national na wanted sa South Korea dahil sa umano’y pagpapatakbo ng mga illegal gambling websites.

Sa koordinasyon ng South Korean authorities at Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-IG), inaresto ng BI Fugitive Search Unit (FSU) si Kim Youngsun sa Gov. Ferrer drive, Brgy. Buenavista II, Gen. Trias, Cavite.

Batay sa ulat ng PNP-IG, si Kim ay subject ng arrest warrant mula sa Incheon District Court noong Abril 22, 2025 dahil sa umano’y pagbubukas at pagpapatakbo ng cyber gambling house na labag sa batas ng South Korea.

Si Kim ay sangkot sa operasyon ng 23 illegal online gambling websites mula sa mga opisina sa Pasay City at Quezon City simula Nobyembre 2018.

Nagsilbi siyang assistant manager ng support team at namahala sa ilang operational units na sangkot sa gambling operations.

Tinatayang nakalikom ang sindikato ng humigit-kumulang KRW 5.33 trillion mula sa online sports betting at iba pang gambling activities.

Noong Hunyo 2025, inilathala ang isang Interpol Red Notice laban kay Kim.

Pumasok si Kim sa Pilipinas noong 2025 bilang temporary visitor. Na-expire na ang kanyang authorized stay dahilan upang siya’y maituring na overstaying foreign national.

“Ang pagkakaaresto kay Kim ay nagpapakita ng ating commitment na makipagtulungan sa international at local law enforcement agencies upang matunton ang mga dayuhang pugante na nagtatago sa bansa,” sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado