Calendar
BOC kayang makamit ang target
MAPAGPALANG araw sa lahat ng atin mga suki dito sa Pilipinas, ganun din sa ating mga mambabasa sa Japan at iba pang parte ng mundo.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas na kalagayan.
Binabati natin sina Ma Theresa Yasuki, Patricia Corone, Aimi Houchii, Chato Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Yoshiko atsumata, Lorna Pangan Tadokoroo, Mama Aki, Hiroki Hayashi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, at Hiroshi Katsumata.
Mabuhay kayong lahat!
Para sa inyong komento at pagbati mag-text sa #63 9178624484. Ilagay lang ang buong pangalan.
***
SA Miyerkules, October 1, ay may tatlong buwan na lang ang Bureau of Customs, na pinamumunuan ni Commissioner Ariel S. Nepomuceno para maabot o malampasan ang mataas nitong collection target.
Ang assigned tax take ng BOC sa taong ito ay tumataginting na isang trilyong piso.
Hindi ito barya! Pero marami ang naniniwala na sa liderato ni Comm. Ariel ay kaya ng mga taga-BOC na kolektahin ang isang trilyong piso.
Nandyan ang mga dumarating na Christmas items na ipinagbibili sa mga shopping malls sa ibat-ibang parte ng bansa.
Nandyan rin ang mapagbibilhan ng mga abandonadong shipments na nakaimbak sa mga ports of entry.
Ipagbibili din sa pamamagitan ng public auction ang mga kumpiskadong smuggled goods.
Siguruhin lang na hindi mawala ang mga shipments na nakaimbak sa mga bodega.
Huwag natin kalimutan na nadiyan pa rin ang ilang mga empleyado na walang ginawa kundi mandugas sa gobyerno.
Tama ba kami, Commissioner Nepomuceno?
***
May mga nagsasabi na magiging political lameduck si Pangulong Ferdidnand R. Marcos Jr.
Para sa atin, dapat nga lalong katakutan si Pangulong Marcos ng kanyang mga “destructive” na kalaban sa politika. Wala nang mawawala sa Presidente kahit iwanan siya ng mga kapanalig.
Hindi na niya kailangan ang boto ng mga botante dahil hindi na siya puwedeng tumakbo muli sa pagka-Presidente. Ang hangad ngayon ni Pangulong Marcos ay matanggal ang mga korap sa gobyerno.
Sa totoo lang, marami ang sasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman dahil sa utos ni Marcos na linisin ang byurokrasya.
Isa pa, nandiyan ang mga parating na warrants of arrest na manggagaling mula sa International Criminal Court (ICC).
Siguradong tutulungan ng mga otoridad ang Interpol para maaresto ang mga taong may warrant of arrest.
Hindi na siguro makatulog ang mga mga sabit sa mga kasong nakasampa sa ICC.
Iyan ba ang “lameduck” na Presidente?
***
Kagaya ng sinasabi natin, mahirap taalgang iwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na kapag panahon ng tag-ulan.
Mahirap kasi dalhin sa merkado ang mga produkto ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Mahal ang pamasahe sa mga jeep at tricycle.
May mga drayber na sobra kung maningil dahil lubog nga sa tubig baha ang mga kalsada.
Walang magawa ang mga kawawang magsasaka at mangingisda kundi pumayag sa gusto ng mga drayber.
Resulta? Mataas na presyo ng mga gulay at isda.

