Edd Reyes

Di mga otoridad nagsimula ng gulo sa rally

Edd Reyes Sep 24, 2025
281 Views

AYOKO na sanang talakayin ang ginawang karahasan ng mga kabataan na sinamantala ang paglahok sa malaking pagtitipon noong araw ng Linggo para lamang manggulo at manira ng mga pampubliko at pribadong ari-arian dahil marami na ring kumondena sa ginawang karahasan.

Kaya lang, hindi ko mawari kung bakit may mga grupo at indibiduwal na tila iba ang naging pananaw sa ginawang aksiyon ng kapulisan nang dakpin isa-isa ang mga nasasangkot na kabataan at tinawag pa nilang mga pasista ang mga pulis na ang kahulugan ay isang sistema kung saan lakas at dahas ang ginagamit upang maipatupad ang kagustuhan.

Eh teka muna, kung nakikita ng mga nagpapakilalang mga “makabayan” ang ginawang pagdakip ng mga pulis, hindi kaya nila nakita ang ginawang karahasan ng kanilang mga ipinagtatanggol?

Hindi naman maikakaila dahil kitang-kita sa mga kuha ng CCTV at camera ng mga mamamahayag kung sino ang nagpasimula ng gulo, pumukol ng bato, basag na bote, mabahong kanal, at molotov bomb, nanunog ng gulong ng container van at motorsiklo ng pulis, nanira ng traffic lights, traffic signages, bakal na railings sa center island, at kung ano-ano pang proyekto ng gobyerno, pati na pagpasok at pagsira sa mga pribadong ari-arian.

At ang masakit pa, kinuyog at pinagbububugbog pa nila ang pulis na masasakote nila na direktang paglapastangan sa awtoridad. Tapos, magsisisigaw ang grupong nagmamalasakit daw sa bayan na palayain ang mga dinakip na kabataan.

May ilan pa ngang pulitiko na sumawsaw at humihiling din na palayain ang mga kabataan pero siguro, kung wagas ang pagtulong nila sa mga naarestong kabataan, bayaran nila sa sariling bulsa ang mga nasira sa kaguluhan.

Bayaran nila ang mga winasak na proyekto ng lokal at mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong ari-arian na sabi nga ni Mayor Yorme Isko ay aabot sa milyong halaga ang napinsala.

Totoo na may batas tayo na nagpo-protekta sa mga menor-de-edad na nakakagawa ng krimen sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act pero ang mga may edad na 15 hanggang 18-taong gulang ay puwedeng kasuhan lalu na’t kapag napatunayang nauunawaan na nila ang ginawang krimen.

Totoo rin na galit tayo, galit ang taumbayan, pati nga rin ang Pangulong Ferdinand Marcos na siyang nagpasimula ng paglalahad ng katiwalian, pero hindi dapat daanin sa dahas, panggugulo at kalupitan ang gagawing pagkilos.

Sana, tinularan na lang ng mga kabataan ang ginawang pagtitipon sa Luneta, sa Liwasang Bonifacio, lalu na sa EDSA Shrine, na naging matahimik at walang kaguluhan. At sana rin, matukoy na at madakip ang mga taong nasa likod umano ng pag-uudyok, panunulsol, pagpa-plano at pagbabayad sa mga kabataan para gumawa ng kaguluhan at para umano pasukin at sunugin ang Palasyo ng Malakanyang.

Mga sisira sa dokumento sa DPWH, walang lusot sa kasong kriminal

MAGSILBING aral na sana sa lahat ng opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sinapit ni Baguio District Engineer Ernest Zarate na sinuspinde at kakasuhan pa dahil sa pagsira sa mga dokumentong may kinalaman sa mga proyekto ng ahensiya.

Inatasan na kasi ni DPWH Secretary Vince Dizon ang lahat ng mga Regional at District Engineers sa buong bansa na isumite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga dokumentong may kinalaman sa mga proyekto ng ahensiya sa loob ng 10-taon.

Baka kaya sa katapusan ng pagsisiyasat ng ICI sa mga katiwaliang kinasangkutan ng mga opisyal ng DPWH sa loob ng 10-taon ay iilan na lang sa kanila ang matira.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com