CAAP

CAAP, DOTr nangakong pagagandahin airports sa Mindanao

Jun I Legaspi Oct 20, 2025
277 Views

ININSPEKSYON ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga airports sa Butuan, Ozamiz City, at Dipolog noong Oktubre 17 bilang bahagi ng pagsusumikap na palakasin ang konektibidad at impraestruktura ng himpapawid sa Mindanao.

Pinangunahan nina Transportation Undersecretary Jim Sydiongco, CAAP Director General Raul Del Rosario at Deputy Director General for Administration Atty. Danjun Lucas ang inspeksyon.

Sa Butuan Airport, inilahad ng CAAP ang mga update kaugnay ng planong pagtatayo ng isang siyam na palapag na control tower. Pag-aaralan din ng ahensya ang posibilidad ng paglalagay ng Instrument Landing System (ILS) alinsunod sa mungkahi ni Agusan del Norte Rep. Jose Aquino III.

Sa Ozamiz City Airport, nakipagpulong ang mga opisyal ng DOTr-CAAP kina Misamis Occidental Rep. Sancho Oaminal at Gobernador Henry Oaminal upang talakayin ang mga plano para sa pagpapalawak at modernisasyon ng pasilidad ng paliparan.

Sa Dipolog Airport, kasalukuyang isinasagawa ang Runway Turnaround Pad upang mapabuti ang kahusayan ng operasyon.

Nakatakda ring simulan ang rehabilitasyon ng Passenger Terminal Building (PTB) upang makapagbigay ng mas komportable at makabagong karanasan sa mga biyahero.

Sa pamamagitan ng pag-upgrade ng mga pasilidad ng paliparan upang umayon sa pandaigdigang pamantayan, layunin ng pamahalaan na pasiglahin ang turismo, makaakit ng pamumuhunan, at isulong ang inklusibong pag-unlad sa buong Mindanao tungo sa isang mas matatag at mas konektadong Pilipinas.