Calendar
Sabungero binaril sa leeg dahil sa utang sa pustahan
UTANG sa pustahan sa sabong ang ugat ng pamamaril ng isang sabungero sa kanyang kapitbahay Linggo ng hapon sa Naic, Cavite.
Nasa kritikal na kondisyon sa hindi ibinunyag na pagamutan ang biktimang si alyas “Richard” sanhi ng tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa leeg habang nakatakas na ang suspek nang puntahan ng mga pulis sa kanyang tirahan.
Lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dakong alas-5:40 ng hapon sa Belmont Homes, Brgy. Halang, Naic, Cavite, hinggil sa hindi nabayarang pustahan nila sa sabong.
Sa kainitan ng pagtatalo, bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng armas ang suspek at pinaputukan ang biktima na duguang bumulagta nang masapol sa leeg.
Kaagad namang nakapagresponde ang pulis na nakatalaga sa Quick Response Team-5 kaya’t inabutan pang nakahandusay ang biktima na nakapagsalita at pinangalanan pa ang kapitbahay na si alyas “Terso” habang isnusugod sa pagamutan.

