Clark

Clark Int’l Airport bubuksan OFW Lounge sa ika-26 ng Setyembre

Edd Reyes Jul 22, 2026
105 Views

MAGIGING magaan na ang pag-alis ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na magmumula sa Clark International Airport sa oras na mabuksan na ang bagong OFW Lounge sa naturang paliparan.

Ang pagkakaroon ng OFW Lounge sa Terminal 2 ng naturang paliparan ay bahagi ng nilagdaang kasunduan sa pagitan nina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan at Luzon International Premier Airport Development (LIPAD) President at Chief Executive Officer Noel Manankil.

Sa ilalim ng kasunduan, OWWA ang mamamahala sa OFW Lounge habang ang LIPAD ang maglalaan ng espasyo at kinakailangang suporta upang matiyak ang maayos, ligtas, at tuloy-tuloy na operasyon nito.

Kapag nagbukas na ang naturang lounge sa Setyembre 16, 2026, magkakaroon ang mga OFW ng komportableng lugar upang makapagpahinga bago ang kanilang flight at libre silang makakakuha ng pagkain at inumin, makakapagproseso ng OWWA membership, makakahingi ng welfare assistance, at makakakuha ng impormasyon tungkol sa mga programa at benepisyo ng OWWA.

Ito na ang ika-apat OFW Lounge ng OWWA na ayon kay Caunan ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtatag ng mga nakalaang OFW Lounge sa mga pangunahing international airport sa bansa upang mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng ligtas, maayos, at komportableng lugar bago ang kanilang pag-alis.