Calendar
Dapat baril malayo sa BARMM elections–Kiko
NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na ilayo ang baril, panatilihing neutral ang seguridad at hayaang malayang magpasya ang mga botante sa makasaysayang unang regular na parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Lunes.
Nagpahayag ng pangamba si Pangilinan sa mga ulat ng karahasan at tumitinding tensyon sa rehiyon bago ang halalan sa Setyembre 14.
“Panahon nang matutong maghangad ang lupaing ito hindi ng mga armas, kundi ng mga araro, ng trabaho, ani, edukasyon, at kinabukasang para sa lahat,” dagdag niya.
Halos 2.4 milyong rehistradong botante ang inaasahang pipili sa bubuo ng 80-pwestong Bangsamoro Parliament—40 party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives.
Ang mga mahahalal na miyembro ng Parlamento ang pipili sa magiging chief minister ng BARMM.
Sinabi ni Pangilinan na pagkakataon ang halalan upang marinig ang tinig ng mamamayan “hindi sa pamamagitan ng putok ng baril, kundi sa malaya at pantay na paggamit ng kanilang karapatan bilang mamamayan.”
Nanawagan siya sa Commission on Elections, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, mga kandidato, lokal na opisyal, dating combatant, mga lider ng komunidad at relihiyon, tagasuporta at residente na tumulong upang maging tapat, maayos, mapayapa at kapani-paniwala ang halalan.
Iginiit ng senador na dapat neutral ang pagpapatupad ng seguridad at hindi dapat matakot ang sinumang botante na lumabas upang bumoto.
Hindi tinukoy ni Pangilinan kung aling deployment o operasyon ang itinuturing niyang labis na presensya ng militar.
Mahigit 20,000 pulis, sundalo at iba pang security personnel ang ipinakalat ng mga awtoridad upang bantayan ang halalan.
Kabilang sa mga insidenteng nagdulot ng pangamba sa seguridad ang pananambang noong Agosto 15 sa convoy ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Hindi nasaktan si Macacua at kanyang mga kasama, ngunit tinamaan ng mga bala ang tatlong sasakyan sa convoy.
Ayon kay Pangilinan, kailangang mapangalagaan ang halalan upang maisakatuparan ang mas malawak na representasyon ng kababaihan, mga katutubo at iba’t ibang sektor sa Parlamento.

