Calendar
Datung, gold nanenok sa babaeng negosyante
MEYCAUAYAN CITY, Bulacan–Natangay ang pera at mahahalagang gamit ng 40-anyos na babaeng negosyante matapos holdapin ng tatlong armadong lalaki sa Albatros St., Brgy. Pandayan dito noong Lunes.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ang biktima na si Marinela Labudlay.
Minamaneho ng biktima ang kanyang BMW X5 (NIM 8608) nang gitgitin ng isa sa mga suspek sakay ng motorsiklo ang kanyang sasakyan.
Lumapit ang isa sa mga suspek na armado ng martilyo at binasag ang bintana sa harapang bahagi ng sasakyan sa tabi ng pasahero.
Dalawa pang suspek, na ang isa ay umano’y may dalang hindi pa matukoy na baril, ang humarap sa biktima sa panig ng drayber.
Isa pa sa mga suspek ang gumamit din ng martilyo upang basagin ang bintana sa panig ng drayber habang paulit-ulit na nagtatanong ng: “Nasaan ang ginto?”
Sapilitang tinangay ng mga suspek ang pitaka ng biktima na naglalaman ng mga tsekbook, tatlong copper plate na nagkakahalaga ng P100,000, mga credit card, dalawang ATM card, lisensya sa pagmamaneho, at humigit-kumulang P20,000 cash.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungo sa west service road na papunta sa North Luzon Expressway (NLEX) sakay ng silver Mitsubishi Mirage ( NCS 1341).
Naiwan sa lugar ang Yamaha Mio Soul I (DA57553) ng mga suspek na kalauna’y narekober ng pulisya kasama ang dalawang martilyo na pinaniniwalaang ginamit sa panghoholdap.
Inilarawan ang mga suspek bilang mga lalaking payat ang pangangatawan, naka-berdeng long-sleeve na damit, pantalon, sapatos at balaclava mask.

