Calendar
Driver arestado sa pagnenok ng P5.5M petrolyo sa Batangas

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Arestado noong Lunes ang isang propesyonal na drayber matapos mahuling nagnanakaw umano ng mga produktong petrolyo sa ikinasang operasyon sa Bgy. Dominador East, Alitagtag, Batangas.
Ang suspek, na kinilalang si alyas JES, 48, mula sa San Pablo City, Laguna, ay nahuli ng mga elemento ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Alitagtag Police matapos magresponde ang mga ito sa natanggap na ulat ukol sa ilegal na pagsipsip o paihi ng langis.
Nahuli sa akto ang suspek habang naglilipat ng diesel mula sa isang Isuzu tanker truck (NAK 2103).
Nakuha sa kanyang posesyon ang dalawang container ng diesel, siphoning hose, at truck na may kargang humigit-kumulang sa 30,000 litro ng diesel.
Umaabot sa P5,503,200 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan at petrolyo mula sa suspek.
Pinaalalahanan ang suspek ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine bago inilipat sa kustodiya ng Batangas PPO para sa pagsasampa ng angkop na kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865 o ang Oil Pilferage Law.
Binigyang-diin ni PCol. Oliver B. Ebora, Acting Provincial Director, na mas lalo pa nilang papaigtingin ang mga operasyon laban sa pagnanakaw ng gasolina upang maprotektahan ang mga kritikal na industriya at pampublikong ekonomiya sa lalawigan.

