Calendar
Kelot kumuha ng police clearance, nabuking ang kasong gahasa ng bata
DIRETSO sa selda ang 22-anyos na lalaking kumukuha ng police clearance Martes ng hapon sa Taguig City nang matuklasan na wanted pala siya sa kasong Rape sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo, kumukuha ng police clearance sa Taguig Police Sub-Station-9 si alyas “Louie John”, residente ng Brgy. North Signal nang lumabas sa kanilang aktibong sistema ang katagang “hit” na ang kahulugan ay may nakabimbing warrant of arrest laban sa kanya na dahilan para siya pigilang makaalis ng police sub-station.
Dakong alas-8:50 ng gabi nang isilbi ni Sub-Station-9 Commander P/Capt. Darwin Salvador ang nakuhang warrant of arrest na inilabas noong Marso 31, 2026 ni Cainta, Rizal Family Court Presiding Judge Jennifer A. Santos De Lumen ng Branch 18 laban sa akusado para sa kasong Qualified Rape of a Minor na walang inirekomendang piyansa.
Pinapurihan naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang mga tauhan ng Taguig police sa kanilang pagiging alerto kasabay ng pahayag sa kahalagahan ng pagkakaroon ng National Police Clearance System na isang mabisang paraan sa paghuli ng mga pugante.

