EDSA HANDA SA LABAN–Pinangunahan ni Nueva Ecija police chief P/Col. Heryl Bruno noong Sabado ang send off ceremonies para sa 500 tauhan ng Nueva Ecija police na tutulong sa pagbabantay sa mga lugar na paggaganapan ng Trillion Peso March sa EDSA People Power monument sa Linggo.

EDSA rally 500 NE parak nakaposte

Steve A. Gosuico Nov 29, 2025
388 Views

LUNGSOD NG CABANATUAN–Nagpadala ang Nueva Ecija police ng 500 pulis bilang bahagi ng puwersa ng Civil Disturbance Management na poposte sa mga rally sites sa gaganaping “Trillion Peso March” sa EDSA People Power Monument sa Linggo.

Sinabi ni P/Col. Heryl Bruno, hepe ng Nueva Ecija police, na nakatanggap sila ng briefing tungkol sa mga protocol sa operasyon sa gaganaping rally.

Pinaalala sa kanila na igalang ang mga karapatang pantao, panatilihin ang maximum tolerance at sundin ang mga patakaran ng pakikipag-ugnayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Sa kanyang mensahe sa tropa, ipinahayag ni Bruno ang buong pagtitiwala sa propesyonalismo at kahandaan ng kanyang mga tauhan sa pagtupad ng kanilang mandato.

“Baunin ninyo ang disiplina, mahinahong pag-iisip at katapatan sa serbisyo,” sabi ng opisyal.