Magsasaka

Magsasaka naningil ng P50 utang, tinigok

Bernard Galang Nov 29, 2025
405 Views

MARIVELES, Bataan ― Nauwi sa pamamaril ang alitan dahil sa P50 na utang sa Barangay Camaya dito, na nagresulta sa pagkamatay ng isang lalaki at nag-udyok ng police manhunt laban sa suspek.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Bataan police ang biktima na 44-anyos na magsasaka at residente ng Zone 6 sa Brgy. Camaya.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng suspek upang singilin ang P50 na utang nito sa kanya.

Ang 29-anyos na suspek na nakilala lamang sa alyas na “Warren” at kapuwa residente ng biktima sa Zone 6 ay mainitang nakipagsagutan sa biktima.

Ayon sa kapatid ng suspek, narinig niya ang dalawa na nagtatalo bago biglang may pumutok na baril.

Pagsilip niya, nakita niyang hawak ng kanyang kapatid ang isang improvised shotgun na kilala bilang “boga.”

Agad namang tumakas ang suspek, habang isinugod ang biktima sa Mariveles District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Nagsagawa na ng follow-up operation ang tracker team ng Mariveles police para sa posibleng pag-aresto sa suspek.