Calendar
Larawan: PTV
Granada hinagis sa military truck; 3 sundalo, 3 sibilyan sugatan
SHARIFF AGUAK, Maguindanao del Sur — Sugatan ang dalawang sundalo at tatlong sibilyan matapos pasabugan ang convoy ng Philippine Army sa kahabaan ng national highway sa Roundball, Barangay Mother Poblacion, nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), bandang 6:26 a.m. nang maganap ang insidente habang sakay ng military truck ang mga tauhan ng 2nd Special Reaction Battalion na patungo sana sa Isulan.
Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na magkaangkas sa isang itim na motorsiklo ang umano’y naghagis ng pinaniniwalaang hand grenade sa military truck bago mabilis na tumakas. Sumabog ang granada at ikinasugat ng dalawang sundalo at tatlong sibilyan na nadamay sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan. Naglunsad na rin ng imbestigasyon at manhunt operation ang pulisya upang matukoy at madakip ang mga suspek sa pambobomba.

