Eagle1 Larawan: Philippine Eagle Foundation

Nasagip na PH Eagle na si Sawaga-Dalwangan pumanaw sa rehab

105 Views

PUMANAW na ang Philippine eagle na si “Sawaga-Dalwangan” habang sumasailalim sa rehabilitasyon sa Philippine Eagle Center, ayon sa Philippine Eagle Foundation (PEF).

Sa inilabas na pahayag nitong Sabado, sinabi ng PEF na matapos mailigtas ang agila ay nagpakita ito ng malinaw na senyales ng paggaling. Lumakas at naging mas alerto ito, kusang kumain at positibong tumugon sa gamutan, dahilan upang magbigay ang mga beterinaryo ng mga positibong update sa kondisyon nito.

Gayunman, sinabi ng foundation na bigla itong dumanas ng medical crisis at hindi na naisalba sa kabila ng isinagawang mga hakbang ng veterinary team.

Ayon sa PEF, natapos na ang paunang necropsy sa agila habang nagpapatuloy pa ang histopathological examinations upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay nito. Maglalabas umano sila ng kumpletong ulat kapag natapos na ang lahat ng pagsusuri.

Nagpasalamat din ang foundation sa komunidad ng Daraghuyan, rescuer na si Marven Linoy at mga kasama nito, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Malaybalay City Government, Provincial Zoo, mga beterinaryo at iba pang katuwang sa pagliligtas at pag-aalaga sa agila.

“We share the grief of everyone who followed her journey and hoped for her recovery. Sawaga-Dalwangan’s rescue was not in vain, and the lessons from her case will help improve the care of other Philippine Eagles,” pahayag ng PEF.