Calendar
Larawan: Philippine Eagle Foundation
Nailigtas na PH Eagle nakitaan ng bagong tama ng pellet
PATULOY na bumubuti ang kondisyon ng nailigtas na Philippine eagle na “Sawaga-Dalwangan” sa Malaybaly, Bukidnon matapos magnegatibo sa dalawang mapanganib na sakit ng ibon, ngunit natuklasan ng mga beterinaryo ang isa pang sugat na dulot ng airgun pellet sa kaliwang paa nito.
Ayon sa Philippine Eagle Foundation (PEF), nakumpirma sa isinagawang laboratory test ng Bureau of Animal Industry–Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory na negatibo ang agila sa Avian Influenza at Newcastle disease. Mas alerto at mas malakas na rin umano ang ibon, na ngayon ay may timbang na 5.60 kilo.
Sa mas masusing pagsusuri, nakita ng veterinary team ang isang sugat na may habang 1.5 sentimetro malapit sa tuhod ng kaliwang paa ng agila. Natukoy na ang sugat ay malapit sa ikalawang airgun pellet na nakita sa X-ray, ngunit nananatiling nakabaon ito sa loob ng paa at hindi maaaring makapa mula sa labas.
Ipinaliwanag ni PEF veterinary consultant Dr. Bayani Vandenbroeck na hindi agad nakita ang naturang sugat nang unang masuri ang agila dahil nababalot ng putik at dumi ang mga balahibo nito. Aniya, “When the eagle arrived, it was in extremely critical condition. Our immediate priority was to treat the serious wing injuries, remove the maggots, and stabilize the bird while limiting handling to avoid further stress.”
Nilinis at ginamot na ang sugat sa kaliwang paa at nagsisimula na itong maglangib nang walang senyales ng impeksiyon. Patuloy ding naghihilom ang sugat sa kanang pakpak kung saan inalis ang unang pellet, habang nililinis pa rin ng mga beterinaryo ang iba pang sugat sa buntot na dating inatake ng uod.
Inilipat na rin ang Sawaga-Dalwangan sa isolation at rehabilitation facility ng Philippine Eagle Center matapos makumpirmang wala itong nakahahawang sakit. Habang sumasailalim sa rehabilitasyon, bibigyan ito ng iba’t ibang pagkain, bitamina at mineral, habang patuloy na babantayan ang mga sugat, lakas at kakayahan nitong makalipad. Paliit din ang pakikisalamuha ng tao rito upang mapanatili ang likas nitong asal bilang isang mailap na hayop.

