Calendar
Larawan: Police Regional Office 5/FB
HVI timbog sa buy-bust operation sa Naga City; ₱129K halaga ng shabu nasamsam
Arestado ang isang high-value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Magtuto Compound, Barangay Concepcion Pequeña, Naga City, dakong alas-6:55 ng gabi noong Nobyembre 25, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Bert,” na inaresto ng pinagsanib na puwersa ng City Intelligence Unit at City Police Drug Enforcement Unit ng Naga City Police Office, kasama ang Police Station 2 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V.
Nasamsam sa operasyon ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 19 gramo at nagkakahalaga ng tinatayang ₱129,200, isang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang hindi matukoy na kalibre ng baril, tatlong magazine at tatlong bala.
Ayon sa beripikasyon ng pulisya, walang nakabinbing warrant of arrest ang suspek. Gayunman, mayroon umano itong naunang rekord kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Hulyo 29, 2021 sa Barangay San Roque, Bombon, Camarines Sur.
Patuloy namang paiigtingin ng Police Regional Office 5, sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Randy Glenn G. Silvio, ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad sa Bicol Region.

