Abante

Ibang online gaming tingnan — Abante

Mar Rodriguez Oct 14, 2022
223 Views

BINIGYANG DIIN ng isang veteran congressman na kailangan tignan din ng pamahalaan ang tinatawag na “social costs” o masamang epekto na idinudulot ng iba’t-ibang online gaming sa halip na nakatuon lamang ito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Dahil dito, sinabi ni House Deputy Majority Leader at 6th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” Abante, Jr. na dapat pag-aralan ng gobyerno ang “social costs” ng iba mga online gaming sa Pilipinas at hindi lamang nakatuon sa masamang epekto ng POGO.

Ipinaliwanag pa ni Abante na ang lahat ng online gaming at hindi lamang ang POGO ay nagdudulot ng negatibo at masamang epekto sa sinomang mananaya partikular na sa mga Pilipino sapagkat sila ang numero-unong parokyano ng iba’t-ibang online gaming.

Sinabi din ng kongresista na ang mga parokyano sa operasyon ng POGO ay ang mga mananaya mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Samantalang ang mga tumatangkilik o costumers ng mga online gaming ay mga Pinoy na ang karamihan ay mula sa mahihirap na pamilya.

Tinukoy ni Abante na ang ilan sa mga online gaming na labis na kinahuhumalingan ng mga Pilipinong manunugal ay ang “virtual poker”, casinos, sports betting (basketball), E-Bingo at Online Sabong na kinalolokohan ng mas maraming mananaya.

“The recent Senate hearing on POGO highlighted the fact that online gaming is illegal in China. Our colleagues in the Senate even asked if allowing POGO in the country made us the accomplices of these POGO that were gamblers in China and clearly the answer is yes,” sabi ng mambabatas.

Samantala, naniniwala naman si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaking epekto sa turismo ng bansa ang naidudulot ng pananatili ng POGO sa Pilipinas dahil maraming dayuhan mula sa iba’t-ibang bansa ang natatakot na bumisita sa Pilipinas.

Sinabi ni Madrona na sakaling tuluyan ng mapa-deport ang tinatayang 48,000 POGO workers sa bansa ay maaaring makabawi na muli ang tourism sector ng Pilipinas na malubhang naapektuhan noong panahon ng pandemiya at sa usapin ng POGO.