Kamara inaprubahan panukala na magpaparusa sa game-fixing

235 Views

INAPRUBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga magsasabwatan na dayain ang resulta ng isang sports competition.

Ang House Bill No. 4513 ay nakatanggap ng 249 pabor na boto. Walang tumutol at abstention sa naganap na botohan.

Ang panukala ay akda nina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at Reps. Faustino Michael Carlos III T. Dy, Michael L. Ph.D. Romero, Noel “Bong” N. Rivera, Paul Ruiz Daza, France L. Castro, at Arlene D. Brosas.

Sa ilalim ng panukala, ang mga magsasabwatan upang maabot o marating ang inaasahang resulta ng isang laro ay papatawan ng multa na P1-P5 milyon o pagkakakulong na tatlo hanggang anim na taon o pareho.

Kung ang lumabag ay player, promoter, referee, umpire, judge, o coach ang parusa ay pagkakakulong na anim hanggang 12 taon at mula na P1-P5 milyon o pareho.

Kung sindikato umano ang nasa likod ng pandaraya ang multa ay P10-P50 milyon o habambuhay na pagkakulong o pareho.

Ituturing na sindikato ang nakagawa ng krimen kung ang sangkot dito ay tatlo o higit pang indibidwal.