Koreano

Koreano na wanted ng Intepol sa BI sapul

Jun I Legaspi Jul 16, 2026
27 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang Korean national na hinahanap ng Interpol dahil sa umano’y pagpapatakbo ng malakihang ilegal na online gambling syndicate.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante NA si Cho Yungeon aka Cho Min na naaresto noong Hulyo 15 sa departure area ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy, nag-ugat ang operasyon mula sa intelihensiyang ibinahagi ng mga awtoridad ng Korea na humiling ng tulong upang matunton ang pugante.

Si Cho ay may warrant of arrest mula sa Busan District Court dahil sa umano’y pagpapatakbo ng ilegal na online gambling website sa Makati City simula pa noong Enero 2024.

Ang kanyang sindikato ay tumanggap ng taya sa lokal at internasyonal na sporting events, nagproseso ng online deposits, nagbayad ng panalo batay sa betting odds, at nag-alok ng mga larong casino gaya ng baccarat.

Pumasok si Cho sa Pilipinas noong 2019 gamit ang Cambodian passport sa pangalang Cho Min. Sa pamamagitan ng biometric verification, nakumpirma na siya rin ang wanted Korean national na si Cho Yungeon.

“Ang pag-arestong ito ay malinaw na mensahe na ang Pilipinas ay hindi magiging kanlungan ng mga cybercriminal at internasyonal na pugante na nagtatago sa likod ng pekeng identidad.

Ang mga mananamantala sa ating immigration system upang takasan ang hustisya ay matutunton, maaaresto, at ipapadeport.

Sa pamamagitan ng masinsing pakikipagtulungan sa mga international law enforcement partners, patuloy nating huhulihin ang mga banyagang pugante na banta sa kaayusan at integridad ng ating mga hangganan,” sabi ni Viado.