Calendar
Koreano na wanted sa telecom fraud timbog ng BI
BILANG pagtupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at tiyakin na ang Pilipinas ay hindi magiging kanlungan ng mga pugante, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang mamamayang Koreano na hinahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa isang sopistikadong telecommunications fraud scheme na biktima ang maraming indibidwal.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante bilang si Park Junhyeon, 44, na naaresto ng mga ahente ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong gabi ng Hunyo 28 sa kahabaan ng MacArthur Highway, Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng South Korea, Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), at Department of Justice.
Si Park ay may Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 7, 2026, kasunod ng warrant of arrest mula sa Busan District Court sa South Korea para sa kasong pandaraya.
Ayon sa mga awtoridad ng Korea, si Park ay umano’y nagpapatakbo ng “no-show” scam kasama ang ilang kasabwat, kung saan nagpapanggap siyang negosyante na nangakong magbabayad sa mga biktima para sa mga produktong binili sa kanyang ngalan. Sa imbestigasyon, pitong biktima ang nadaya sa pamamagitan ng 24 transaksyong peke na nagresulta sa kabuuang pagkalugi na tinatayang KRW 170 milyon.
“Ang pag-arestong ito ay malinaw na mensahe sa mga dayuhang pugante: hindi magiging kanlungan ang Pilipinas para sa mga kriminal na tumatakas sa hustisya,” ani Viado. “Walang puwang sa ating bansa ang mga indibidwal na nanlilinlang at nananamantala ng inosenteng tao. Patuloy kaming makikipagtulungan sa ating mga international law enforcement partners upang matiyak na sila ay mananagot.”
Batay sa tala ng BI, huling pumasok sa Pilipinas si Park noong Disyembre 12, 2025 bilang pansamantalang bisita. Lumampas na siya sa itinakdang panahon ng pananatili na nag-expire noong Hunyo 9, 2026.
Ibinunyag din ng BI na naunang nakumpiska ng Angeles Field Office ang pasaporte ni Park matapos magsumite ng aplikasyon para sa extension ng kanyang pananatili ang isang kinatawan.
Napag-alaman na hindi personal na dumalo si Park sa proseso ng aplikasyon.
Nakumpirma ng BI na nakalista na si Park sa kanilang watchlist bilang isang undesirable alien dahil sa kanyang pagiging pugante mula sa hustisya.
Kasalukuyan siyang sumasailalim sa booking at dokumentasyon bago ilipat sa Bureau of Immigration Warden Facility, kung saan siya mananatili habang hinihintay ang proseso ng deportasyon.

