Lalaki patay sa pamamaril sa Bulacan

Bernard Galang Jan 4, 2026
319 Views

PLARIDEL, Bulacan–Tigok sa pamamaril ang hindi pa nakikilalang lalaki noong Sabado sa Cagayan Valley Road sa Brgy. Tabang sa bayang ito.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., naganap ang insidente bandang ala-1:00 ng madaling-araw sa harap ng gasoline station.

Batay sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima ng makipagtalo sa isa pang lalaki malapit sa gasolinahan.

Bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at ilang ulit na pinaputukan ang biktima na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Tumakas ang suspek patungong Guiguinto, Bulacan sakay ng puting Honda Civic FD.

Humiling na ng flash alarm ang mga pulis at ipinakalat ang insidente sa pamamagitan ng Bulacan Tactical Operations Center upang makatulong sa pag-aresto sa suspek.