Cebu

P288M nasungkit ng mananaya sa Cebu sa Grand Lotto

Arlene Rivera Jan 4, 2026
229 Views

MATAPOS masungkit ng isang masuwerteng mananaya ang P14 milyon na jackpot prize sa 6/45 lotto draw noong Biyernes, isa pang mananaya ang nanalo ng P288 milyon sa Grand Lotto 6/55 draw noong Sabado.

Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang mananaya mula sa lalawigan ng Cebu ang nakakuha ng kabuuang jackpot prize na P288,616,075 sa Grand Lotto 6/55 draw.

Ang nanalong tiket, na binili sa isang outlet sa bayan ng Compostela, ay tumugma sa kombinasyong 13-42-06-45-24-33.

Bukod sa jackpot winner, 47 mananaya ang nakakuha ng lima sa anim na tamang numero at tatanggap ng tig-P100,000.

Samantala, 2,330 na manlalaro ang nanalo ng P1,500 para sa apat na tamang numero, at 30,049 na mananaya ang makakakuha ng tig-P60 para sa tatlong tamang numero.

Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.

Ayon sa Republic Act 1169, may isang taon mula sa petsa ng draw ang mga nanalo upang i-claim ang kanilang premyo. Ang lahat ng jackpot prizes ay dapat i-claim sa PCSO main office sa Mandaluyong City.

Kinakailangan ng mga nanalo na isulat ang kanilang pangalan at lagda sa likod ng nanalong tiket at magpakita ng dalawang valid government-issued ID.

Ang mga premyong lampas P10,000 ay may buwis na 20 porsiyento alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Hinihikayat ng PCSO ang patuloy na suporta ng publiko sa kanilang mga laro, na ang kita ay tumutulong sa pagpopondo ng mga programang pangkalusugan, medikal na tulong at iba pang serbisyong panlipunan ng gobyerno.