Calendar
Mister ng pinaslang na policewoman, car agent POI sa kaso
WALA na ring buhay nang matagpuan sa Victoria, Tarlac, ang anak ng pinatay na policewoman sa Bulacan.
Batay sa ulat ng Southern Police District (SPD), nakabalot ng plastic tape nang matagpuan ang 8-anyos na biktimang si John Ysmael, na huling nakitang buhay noong Enero 16, kasama ang inang si Senior Master Sgt. Diane Marie Mollenido sa Novaliches, Quezon City.
Lumabas sa autopsy report na namatay ang batang biktima sa pamamagitan ng asphyxia by suffocation.
Tatagpuin sana ng mag-ina ang isang car agent sa Novaliches subalit hindi na umuwi ang mga ito.
Ayon sa ulat na isinumite ni Victoria Municipal Police Station Chief Maj. Marty A. Calara kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., isang residente ang nakadiskubre ng bangkay ng bata sa taniman ng calamansi sa Barangay Maluid noong Huwebes ng hapon.
Nakabalot ng plastic at nakahandusay sa madamong bahagi ng taniman na pag-aari ni Barangay Captain Sandy Torres ang bata.
Ang bata ay positibong kinilala ng kanyang amang si John na isa ring pulis.
Matatandaang ang mag-ina ay iniulat na nawawala noong Enero 19, at Enero 24 naman nang matagpuan ang bangkay ng policewoman sa isang creek sa Bulacan.
Isa ang car agent sa ikinukunsiderang person of interest sa kaso.
Ayon sa SPD, nakitaan ng mga mantsa ng dugo ang sasakyan ng ahente sa Novaliches.
Patuloy naman ang ginagawang backtracking ng mga awtoridad sa mga closed circuit television footage sa lugar para mabigyang linaw ang pagkamatay ng mag-ina.
Tiniyak din ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ginagawa ng PNP ang lahat para matulungan ang pamilya ng mga biktima na makuha ang katarungan sa sinapit ng mga ito.
“The Philippine National Police has committed full financial and protection assistance to the family of a policewoman who was found dead in Bulacan five days after she and her son were reported missing,” pahayag ni Nartatez.
“At this time of shock and grief to the family of PSMS Mollenido, we’ll provide all forms of assistance, including protection and counseling if necessary,” dagdag ng opisyal.
Inatasan ng PNP chief ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at PRO3 na gawing prayoridad ang pagresolba sa brutal na pagpaslang at gamitin ang lahat ng available resources upang maresolba ang kaso.
Binigyang-diin ni Nartatez ang kahalagahan ng mabilis na pagtukoy sa mga suspek sa karumal-dumal na krimen.
Natagpuan ang batang lalaki ilang araw matapos madiskubre ang naaagnas na bangkay ng kanyang ina sa Pulilan–Baliuag Bypass Road sa Pulilan, Bulacan. Nawala ang mag-ina noong Enero 16 at siyam na araw ang nakalipas nang matagpuan ang bangkay ng ina.
Naka-assign sa NCRPO Regional Personnel and Records Management Division, ang policewoman ay natagpuan na nakabalot sa tela, isinilid sa itim na garbage bag at binalot pa ng plastic. Isang beses siyang binaril sa katawan.
Naglunsad din ang pulisya ng malawakang paghahanap sa anak niyang si John Ysmael, na huling nakitang kasama niya, hanggang sa matagpuan ang mga labi nito sa bayan ng Victoria.
“Base po sa huling suot niya, sa gamit niya, sapatos, build ng katawan, tapos ’yung mukha ma-identify pa naman. Hindi ko kaya siyang tingnan nang gano’n katagal,” sinabi ng ama ng biktima.
May tatlong anak ang mag-asawang Mollenido, at si John Ysmael ang kanilang pangalawang anak.
Isa ang ama sa dalawang persons of interest (POI) sa kaso, at sinabi niyang nauunawaan niya ito dahil isa rin siyang pulis. Nakikipagtulungan siya sa NCRPO at PRO3 investigators.
Ang ikalawang POI ay ang “agent/broker” ng sasakyan ng policewoman. Sa bahay ng naturang agent huling nakita ang mag-ina, at doon din nakakita ang pulisya ng mga bahid ng dugo na kasalukuyang sinusuri ng PNP Forensic Group.
Natagpuan ang batang lalaki na mahigpit na nakabalot sa plastic sa isang masukal at liblib na bahagi ng taniman ng calamansi malapit sa kalsada sa Victoria.
Ayon kay Calara, hindi agad napansin ang amoy ng bangkay dahil ito ay balot na balot.
Sinuyod ng mga imbestigador ang lahat ng available CCTV sa lugar upang matukoy ang anumang kahina-hinalang sasakyan o taong pumasok sa lugar.
Ayon kay Nartatez, sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Interior Secretary Juanito Victor C. Remulla, tiniyak ng PNP na mapapanagot ang sinumang may sala at aalagaan ang integridad sa hanay ng pulisya.
“We are deeply saddened by this tragic incident. Ang buong PNP ay nakikiramay sa pamilya ng biktima sa panahong ito ng matinding kalungkutan. We are committed to ensuring a thorough investigation to uncover all the facts surrounding her disappearance and death,” sinabi ng PNP chief.
Iniutos din ng hepe ng PNP ang pagbuo ng isang Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso. Inatasan ang mga imbestigador na kolektahin ang lahat ng CCTV footage at kapanayamin ang maraming testigo upang maresolba ang krimen. Nina BERNARD GALANG, ZAIDA DELOS REYES & ALFRED DALIZON

