Calatagan

Nag-paihi ng gasolina sa Calatagan Port huli

91 Views

NASAKOTE noong Miyerkules ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang lalaki habang nahuling naglilipat ng mga produktong petrolyo nang walang kaukulang permit sa Philippine Ports Authority (PPA) Calatagan Port, Brgy. 4, Calatagan, Batangas.

Kinilala ang mga nadakip na suspek sa mga alyas na sina alyas Anacleto at alyas Rowel.

Base sa ulat ng Calatagan MPS, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng tawag tungkol sa umano’y ilegal na pagsipsip at paglilipat ng langis sa nasabing pantalan.

Kaagad nag responde ang Provincial Intelligence Unit (PIU-BPPO) sa pangunguna ni PCPT Asriel John Francisco, katuwang ang Calatagan MPS at PPA Port Manager naabutan sa aktong naglilipat ng krudo o petrolyo ang mga suspek mula sa isang puting Alphatruk HOWO oil tanker truck (Plate No. NKT 7788) patungo sa mga drum at iba pang container.

Bigong makapagpakita ang mga suspek ng anumang delivery receipt, sales invoice, o permit mula sa kinauukulan na nagpapahintulot sa pag-unload at paglilipat ng nasabing mga produktong petrolyo.

Wala rin silang naipakitang dokumento na nagpapatunay na ligtas at awtorisado ang mga drum para sa pag-iimbak at transportasyon ng mapanganib na langis.

Kasalukuyang nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na binago ng Presidential Decree No. 1865 (Ilegal na Kalakalan ng Langis at/o mga Produktong Petrolyo).

Nasamsam ng mga awtoridad Isang drum/kontainer na may kapasidad na 200 litro, naglalaman ng unleaded gasoline, na may tinatayang halaga na P17,660; 51 walang laman na asul na mga drum kontainer, bawat isa ay may kapasidad na 200 litro at tinatayang halaga na P2,000.00, na may kabuuang tinatayang halaga na P102,000.00; siphoning/chemical hose; at puting Alphatruk HOWO oil tanker truck na may Plate No. NKT 7788, na may halaga na P3,100,000; na may kapasidad ng tangke na 24,000 litro at iniulat na may kargang 4,000 litro ng diesel;- 9,000 litro ng unleaded na gasolina; at 8,000 litro ng premium na gasolina.