Isko1 Manila Mayor Isko Moreno Domagoso

Pananalapi, E-BOSS sentro ng first 100 days ni Yorme

Edd Reyes Oct 8, 2025
111 Views

IBINAHAGI ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang mga nagawa sa loob ng unang 100 araw ang pagsasaayos ng kalagayang pananalapi ng lungsod na nagbunga ng pagbabalik ng tiwala ng mga mamamayan, negosyante at taxpayers at pagbuhay sa Electronic Business One-Stop Shop (E-BOSS) na nagpabilis sa mga transaksyon sa lokal na pamahalaan.

Isa hanggang tatlong araw na lang ang kailangan para sa permiso ng mga renovations habang tatlo hanggang limang araw sa pagtatayo ng residential, commercial, at iba pang gusali.

Mula sa 22 na araw ng aplikasyon sa zoning, pitong araw na lang ang kailangan habang ang mga aapela ay aabot na lang ng limang araw mula sa dating 15, ayon sa mayor.

Nagbawas din sila ng walang kapararakang gastusin tulad ng paglobo ng bilang ng mga job order employees na mula sa 9,830 noon lang Enero hanggang Hunyo, ay 7,023 na lang mula Hulyo hanggang Disyembre, 2025.

“Dagdag koleksyon. Bawas gastos,” sabi ng alkalde.

Kabilang din sa iniulat ng alkalde ang paglobo ng koleksiyon ng Bureau of Permit and Licensing, Office of the Building Official, Hawkers Department, at maging ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakatulong upang makapagbayad ang lungsod ang pagkakautang na iniwan ng nakaraang administrasyon.

Sa P10,240,896,350 na kabuuang utang ng Maynila hanggang Hunyo 5, 2025, nakapagbayad na sila ng ₱3,103,752,877 sa unang 100 araw o 30.31 porsiyento.

Kabilang dito ang ₱582.9 milyon para sa gamot at medisina, ₱57.78 milyon sa medical equipment, ₱131.56 milyon sa humahakot ng basura at ₱1.47 billion sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Tinutukan din niya ang pagsugpo sa krimen na dahilan upang tumaas ng 9.2 porsiyento ang crime solution sa tulong ng Manila Police District (MPD).