Calendar
Salamin sa mata ipinagkaloob sa 200 residente sa SanPablo
UMABOT sa 200 residente ang nabigyan ng libreng reading glasses sa programang Eye Clinic sa Brgy. III-D, San Pablo City noong Huwebes sa tulong ni acting Vice Mayor Carmela Acevedo.
Kabilang sa nabigyan ang mga senior citizen at iba pang nangangailangan ng tulong sa kanilang paningin.
Ayon kay Acevedo, bahagi ito ng kanyang patuloy na adbokasiya na mapalapit ang serbisyong medikal sa mga mamamayan.
Halos 500 pasyente na rin ang natulungang maisailalim sa operasyon sa katarata sa pamamagitan ng kanyang mga programang pangkalusugan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang medical mission at partner organizations.
Nagpasalamat si Chairman Norwin Dimatulac kay Acevedo sa suporta sa Brgy. 3-D. Malaking tulong ang programa sa mga residente na hindi kayang tustusan ang gastos sa pagpapatingin at pagbili ng salamin.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa libreng serbisyong kanilang natanggap.
Tiniyak ni Acevedo na magpapatuloy ang kanyang mga programang pangkalusugan upang mas marami pang San Pableño ang mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng malinaw na paningin.
