Register

Sept vehicle registration in-etend hanggang Oct 15

Jun I Legaspi Oct 7, 2025
126 Views

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magbigay tulong sa mga naapektuhan ng mga kalamidad, pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng rehistro ng mga sasakyan at lisensya na nag-expire noong Setyembre 30.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas na siya ng memorandum para sa lahat ng regional director at mga hepe ng district offices hinggil sa naturang pagpapalawig.

Batay sa memorandum, mananatiling valid ang mga rehistro at lisensya hanggang Oktubre 15, 2025 at tiniyak ni Asec Mendoza na walang multa o penalty na ipapataw sa mga motor vehicle owner at license holder na apektado ng kalamidad.

“Ito ay bilang konsiderasyon sa pagkansela ng mga trabaho sa gobyerno bunsod ng malakas na pag-ulan na dala ng habagat at mga bagyong Nando, Opong at Paulo, pati na rin ng matinding lindol na tumama sa Cebu,” ani Asec Mendoza.

Kasabay nito, inanunsyo rin ni Asec Mendoza na pinalawig din hanggang Oktubre 15 ang 15 araw na palugit para sa pag-aayos ng mga traffic apprehension cases na epektibo mula Setyembre 26.