CIDG

176 crime suspek tinimbog ng CIDG

Alfred Dalizon Oct 7, 2025
222 Views

MAS pinaigting ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kampanya laban sa krimen at naaresto ang 176 na suspek sa halu-halong krimen

Nakuha sa mga nahuli ang 14 loose firearms kabilang ang 1 light weapon at 13 small arms, at P16,522,340 na halaga ng iba’t-ibang ebidensya, ayon kay CIDG director Maj. Gen. Robert Alexander Morico.

Naaresto rin ng CIDG ang 97 wanted persons na may mga kasong murder, attempted murder, attempted homicide, homicide, frustrated homicide, rape, statutory rape, qualified rape of a minor, qualified theft, robbery, estafa at paglabag sa Republic Act 10591 na mas kilala bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinatibay din ang operasyon laban sa mga ilegal na armas, kung saan nakumpiska ang 14 na armas mula sa umano’y di-legal na pagmamay-ari.

Naaresto rin ng CIDG ang 67 indibidwal na sangkot sa iba’t ibang iligal na gawain gaya ng ilegal na bentahan ng sigarilyo sa Batangas, ilegal na pagmimina sa Misamis Oriental, sugal sa ilang probinsya, ilegal na LPG refilling at trading sa General Santos at Occidental Mindoro, ilegal na bentahan ng relief goods sa Maynila, ilegal na kalakalan ng wildlife species sa Bulacan, robbery-extortion sa Tarlac, paglabag sa Animal Welfare Act sa Pangasinan, ilegal na dental practices sa Malabon City at iba’t-ibang anyo ng estafa sa La Union at Laguna.

Pinuri ni acting PNP chief, Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang CIDG sa mas pinaigting na kampanya laban sa kriminalid.

“Ipinapakita ng tagumpay na ito ng CIDG ang sipag at dedikasyon ng ating mga pulis.

Bawat operasyon ay ginagawa hindi lang para hulihin ang kriminal, kundi para protektahan ang bawat Pilipino at tiyakin na maayos na naipapatupad ang batas para sa katarungan,” ayon sa hepe ng pulisya.

Hinimok ni PNP spokesperson Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño ang ang lahat ng Pilipino na patuloy na makipagtulungan sa kanila para mapanatiling ligtas ang mga kalsada at komunidad.