Calendar
Tourism hospital itatayo sa Mabini

MABINI, Batangas — Ligtas na serbisyong pangkalusugan para sa mga residente at turista ang layunin ng panukalang “tourism hospital” sa bayang ito, ayon kay Mayor Noel Bitrics Luistro.
Inilahad ang proposal sa courtesy call kay Department of Health (DOH) Secretary Dr. Edwin Mercado sa DOH central office kamakailan.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng pasilidad na tutugon sa pangangailangang medikal ng mga mamamayan, banyaga at lokal na bakasyonista.
Bilang isa sa mga pangunahing diving at coastal tourism destination sa bansa, patuloy ang pagdami ng mga turista at diving enthusiasts sa Mabini.
Ang kahalagahan ng isang specialized medical infrastructure na nakahandang magbigay ng mabilis na tulong sa mga medical emergency, lalo na ang mga insidenteng may kaugnayan sa marine at diving activities.
Pangunahing mithiin ng panukala na pagsabayin ang world-class tourism at world-class healthcare upang matiyak na hindi maipapalit ang kaligtasan ng publiko sa pag-unlad ng turismo sa bayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga tagapagsulong ng proyekto sa mainit na pagtanggap at suporta ng DOH sa pamumuno ni Sec. Mercado para sa pagtataguyod ng mas ligtas na destinasyon at mas accessible na serbisyong pangkagalingan para sa mga taga-Mabini.

