69-anyos na factory worker nanalo ng P63M sa SuperLotto

148 Views

ISANG 69-anyos na factory worker ang nanalo ng P63.013 milyong jackpot prize ng Super Lotto 6/49 noong Nobyembre 27, 2022.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kinuha na ng nanalo ang kanyang premyo. Siya ang nag-iisang nakakuha ng winning number combination na 05-42-40-03-25-35 na lumabas noong Nobyembre 27.

Sinabi ng nanalo sa mga tauhan ng PCSO na nakuha niya ang numero mula sa kanyang panaginip noon pang 1995. Inalagaan umano nito ang mga numero at dati ay nanalo na minor prizes matapos makakuha ng apat at tatlong numero.

“Pasalamat po ako sa Diyos na tumama po ang aking numero na ako’y may taya. Dahil sa loob naman po ng isang linggo, minsan po ay nalilibanan ako sa pagtaya. Minsan po sa isang linggo ay 3 beses ako hindi nakakataya. Buti na lang po talaga kaloob ng Panginoon na tuparin ang matagal ko ng pangarap,” sabi ng nanalo.

Kumikita umano ang nanalo ng P500 kada araw sa pabrikang pinapasukan nito. Siya ay mayroong tatlong anak.

“Matanda na po ako napagtapos ko na po ang aking mga anak, plano ko na lang na mag enjoy sa buhay at magtayo ng negosyo. Dati po akong factory worker, ngayon ako naman po ang magiging factory owner,” saad pa ng nanalo.