Cayton

Makatarungang pamasahe, mas mabilis na pagkuha ng permit sa tricycle isinusulong ni Cayton

Mar Rodriguez Oct 28, 2026
24 Views

ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Lone District Rep. Timothy Joseph Cayton ang mas makatarungang pamasahe, mas mabilis na pagkuha ng mga permit at mas matibay na proteksiyon sa hanapbuhay ng mga tricycle drivers at operators.

Sa pamamagitan ng House Bill No. 11480 (Magna Carta of Tricycle Drivers and Operators) na inihain ni Cayton, layunin ng panukala na magtakda ng patas na kondisyon sa pamamasada at alisin ang mga hindi kinakailangang pasanin sa mga tricycle driver at operator.

Ayon kay Cayton, malaking tulong ang mga tricycle driver sa paghahatid ng mga bata sa paaralan, pagsundo sa mga magulang, at pagbiyahe ng mga mamamayan patungo sa kanilang mga trabaho at iba pang destinasyon.

Kinakaharap ng mga tsuper ang pabago-bagong bayarin sa iba’t ibang munisipalidad, mabagal na proseso ng pagkuha ng mga permit, at pag-impound ng kanilang mga tricycle kahit sa ilang simpleng paglabag.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang bawat araw na hindi makapamasada ang isang tricycle driver ay nangangahulugan ng pagkawala ng kita na ginagamit sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa ilalim ng panukalang batas, hindi lalampas sa P1,000 ang kabuuang bayad para sa Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) na magkakaroon ng bisa sa loob ng limang taon.

Ipagbabawal din ang paniningil ng iba pang bayarin na may kaugnayan sa nasabing permit.

Upang mapabilis ang proseso, magtatatag ng Tricycle Sector One-Stop Shop sa bawat lokal na pamahalaan.

Sa pamamagitan nito, inaasahang maibibigay ang permit sa loob ng dalawang araw matapos maisumite ang lahat ng kinakailangang dokumento.

Kabilang din sa mga probisyon ng panukala ang pagbabago sa paraan ng pagpapatupad ng mga parusa sa mga tricycle driver.

Sa halip na agad na kumpiskahin o i-impound ang kanilang mga tricycle dahil sa mga paglabag sa trapiko o kakulangan sa dokumento, tiket na lamang ang ipapataw sa mga kasong saklaw ng panukala.

Gayunman, papayagan pa rin ang pag-impound sa mga pagkakataong may mabigat na dahilan.

Isa pang mahalagang probisyon ng House Bill No. 11480 ang pagtatatag ng isang Contribution Support Program para sa mga tricycle driver.

Sa ilalim ng programang ito, sasagutin ng pamahalaan ang kalahati ng minimum na kontribusyon ng mga kwalipikadong tricycle driver sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Layunin nitong mapagaan ang gastusin ng mga tsuper at matulungan silang magkaroon ng mas maayos na proteksyong panlipunan, kabilang ang mga benepisyong may kaugnayan sa kalusugan at seguridad sa kanilang kinabukasan.

Binigyang-diin ni Cayton na panahon nang bigyan ng higit na pagkilala at proteksiyon ang mga tricycle driver na araw-araw na nagbibigay ng serbisyo sa mga komunidad.

“Sila ang naghahatid sa atin araw-araw. Panahon nang ihatid natin sila sa mas patas na kinabukasan,” ani Cayton.