Delima

Pilipinas nangunguna na may 15 kaso ng pagdukot sa mga HRD –De Lima

Mar Rodriguez Jul 21, 2025
384 Views

NAITALA ang Pilipinas bilang may pinakamaraming kaso ng pagdukot o abduction laban sa mga Human Rights Defenders (HRD) batay sa ulat na inilabas ng Asian Forum for Human Rights and Development (FORUM-ASIA).

Ang inilabas na datos ng ASIA-FORUM ang nagbunsod kay Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila de Lima para ipanawagan sa liderato ng Kamara de Representantes ang agarang pagpasa sa panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga defenders ng human rights o HRD.

Batay sa report ng FORUM-ASIA, ang Pilipinas ang nangunguna mula sa 23 bansa mula sa Asya na mayroong naitala at nai-dokumentong 15 kaso ng pagdukot. Kung saan, sumusunod naman ang Bangladesh na may naitalang 9 na kaso habang ang Pakistan at Afghanistan naman ay mayroong pitong kaso ng abduction.

Dahil dito, nagpahayag naman ng pagkabahala ang neophyte lady solon patungkol sa datos na inilabas FORUM-ASIA na nagpapakita na hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy parin ang mga panggigipit at paglabag sa karapatang pantao ng mga HRD sa bansa.

Binigyang diin ni De Lima na wala aniyang kalaban-laban ang mga HRD na dumaranas ng panggigipit laban sa mga grupong nagha-harras sa kanila sapagkat ang ginagampanan lamang nila ang kanilang trabaho na maprotektahan ang mga Pilipino.

“Nakakabahala ang mga datos na ito na nagpapakita ng patuloy na panggigipit sa mga human rights defenders. Those who defend the helpless and voiceless and speak truth to power without fear or favor. They are just protecting our people,” ani De Lima.

Sinabi pa ni De Lima na naitala rin ang Pilipinas bilang may 18 kaso ng “vilification” o ang mga panlalait, pang-aalipusta at pagmumura laban sa mga tauhan ng HRD na naka-angkla sa red-tagging.