Speaker Romualdez

Hot meals dala ni Rep. Romualdez, Tingog party-list sa mga binahang residente sa Metro Manila

275 Views

ResidenteAGAD na nagpadala ng hot meals ang tanggapan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at ang Tingog Party-list para sa mga binahang residente ng Metro Manila, kasabay ng kanilang paghahanda para sa isasagawang relief operations sa iba’t ibang lugar.

Sa Barangay Malanday sa Lungsod ng Marikina, umabot sa 989 pamilya o tinatayang 2,400 indibidwal ang lumikas.

Namigay ang mga volunteer ng Tingog, katuwang ang mga lokal na partner, ng mainit na chicken sopas sa mga evacuee.

“Maraming naapektuhan at gutom ang pangunahing concern ng mga kababayan natin. Kaya minadali namin ang pagpadala ng hot meals, and this is just the start. Mas marami pa tayong relief missions sa darating na mga araw,” ani Romualdez, na nagsilbing Speaker ng 19th Congress.

Sa Quezon City, 766 na pamilya ang tumutuloy sa evacuation center sa Bagong Silangan Elementary School matapos tumaas ang baha sa lugar. Nagsagawa ng pamamahagi ng mainit na pagkain noong Lunes ng gabi ang tanggapan ni Romualdez katuwang ang Tingog, si Quezon City Rep. Ralph Tulfo at si Barangay Councilor Jun Quizon.

Ayon kay Romualdez, ang hakbang ay patunay ng kanilang pagtutok sa mabilis at localized na pagtugon sa mga sakuna, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, sunog o baha.

“Hindi lang ito tungkulin ng gobyerno. Lahat tayo may papel, mula sa barangay hanggang sa Kongreso, hanggang sa ordinaryong mamamayan. We encourage everyone to help in any way they can,” dagdag ni Romualdez.

Samantala, sa Lungsod ng Maynila, nasalanta rin ang 120 pamilya sa Brgy. 420, Zone 43, Nagtahan, bunsod ng pagbaha at kasabay na insidente ng sunog.

Nagpaabot ng mga tasa ng mainit na lugaw ang Tingog sa mga evacuee, sa tulong ng koordinasyon nina Manila Rep. Giselle Maceda at Barangay Secretary Nimfa Domingo.

Agad na ipinadala ang mga relief team matapos makatanggap ng alerto mula sa mga partner barangay, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at ng district offices nina Reps. Tulfo at Maceda.

Hanggang nitong Lunes ng gabi, nananatiling lubog pa rin sa tubig ang maraming lugar sa Metro Manila, habang nananatili ang mga babala ng pagbaha sa iba’t ibang lungsod dahil sa patuloy na malalakas na monsoon rains.

Ayon sa Tingog, marami pang ipamimigay na pagkain at relief packs para sa iba pang apektadong komunidad, lalo na sa mga lugar na tinukoy ng disaster officials na posibleng matagal pang lubog sa baha.