Lisensya

Lisensya ng truck driver sa malagim na aksidente sinuspinde

Jun I Legaspi Aug 30, 2025
346 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng truck driver na sangkot sa malagim na aksidente sa Quezon City.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang preventive suspension ay epektibo sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada.

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa LTO-Intelligence and Investigation Division na pinamumunuan ni Renante Melitante, isang lalaking pedestrian ang nasawi matapos mabangga ng isang Shacman Tractor Head with Crane Truck sa Barangay Pasong Putik noong Agosto 20.

Ang biktima ay tumatawid umano sa kalsada nang mangyari ang insidente.

Ngunit imbes na tumulong, iniulat na tumakas ang truck driver at iniwan ang biktima.

Ayon kay Asec. Mendoza, nakapaglabas na ng show cause order laban sa rehistradong may-ari at sa mismong driver ng truck. Inatasan silang parehong humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Setyembre 5.

Nahaharap ang driver sa kasong Reckless Driving at sa pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” habang ang rehistradong may-ari ay pinagsusumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa dahil sa pagkuha ng isang iresponsableng driver.

Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inilagay na rin sa alarm ang nasabing truck upang hindi ito makapagsagawa ng anumang transaksyon habang iniimbestigahan.