Edd Reyes

Yorme Isko, Rep. Chua ipinamalas pagka-maginoo

Edd Reyes Sep 3, 2025
432 Views

KAHIT may bumatikos, mas marami ang pumuri sa ipinamalas na pagka-maginoo nina Mayor Isko Moreno at 3rd District Congressman Joel Chua nang wakasan ang umasim nilang relasyon na nagsimula bago pa lang ganapin ang 2025 mid-term election.

Dati naman kasing magka-alyado sa pulitika sa ilalim ng Asenso Manileno ang alkalde at si Cong Chua, pati na rin si 2nd District Congressman Rolan Valeriano, bagama’t nagkaroon ng lamat ang kanilang magandang samahan nang manatili ang dalawa sa panig ng dating alkalde Honey Lacuna na nakalaban ni Yorme sa halalan.

Hindi naman talaga maia-alis na magkaroon ng galit at sama ng loob sa isa’t-isa ang bawa’t pulitikong nagkahiwalay ng partido at naging magkatunggali pero may kasabihan nga na sa larangan ng pulitika, walang permanenteng kaibigan at walang permanenteng magka-away.

Nito nga lang nakaraang linggo, matatalim at sagad sa buto ang palitan ng akusasyon nina Yorme at Chua matapos idemanda ng lokal na pamahalaan ang kontratista sa isang proyekto ng kongresista sa Alvarez St. Sta Cruz dahil walang demolition at building permit na kinuha sa lokal na pamahalaan.

Inakala ng marami na lumabo na ang pag-asang magkasundo ang dalawa dahil lumalim na ang sugat na likha ng hindi pagkakaunawaan pero nagulat at natuwa ang marami, lalu na ng mga residente ng District 3, nang dalawin ni Cong Chua ang alkalde, kasama ang dalawa pang kongresista para ilahad ang kanilang inisyatiba sa kani-kanilang distrito.

Ang maganda naman ke Yorme, hindi siya nagtatanim ng sama ng loob kapag ang kapakanan ng mga taga-Maynila ang nakasalalay, lalu’t hangad naman talaga niya na mapabilis ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga taga-Maynila kaya maluwag niyang tinanggap at pinasalamatan ang mga ihahatid na tulong sa lokal na pamahalaan ng mga kongresista.

Magandang panimula ito kaya marami namang residente ng District 2 ang umaasa na magkasundo naman ang alkalde at si Cong. Valeriano. Kailangan lang siguro ay may mamagitan na pareho nilang kaibigan na hindi matatanggihan tulad ng nangyari kina Chua at sa alkalde..

DENR at Aboitiz, sanib puwersa sa pagtulong maibsan ang baha sa Navotas

SA init ng usapin hinggil sa mga palpak na flood control projects, napapanahon ang tulong ng kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor upang makatulong na maibsan ang mga pagbaha.

Dito lang sa Navotas City, naisulong ni Mayor John Rey Tiangco ang pakikipagkasundo sa Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau National Capital Region (DENR-EMB NCR) at Therma Mobile, Inc. (TMO) ng Aboitiz Power para tumulong sa rehabilitasyon at proteksiyon ng bahagi ng Navotas River sa ilalim ng Adopt-an-Estero/Waterbody Program.

Mahalaga kasing may tutulong sa mga lokal na pamahalaan, lalu na sa mga lungsod at munisipalidad na napapaligiran ng dagat tulad ng Navotas para kahit papaano ay mapalalim ang mga ilog para hindi umapaw kapag panahon ng tag-ulan para malayang makadaloy ang tubig patungo sa dagat.

Siyempre, may kanya-kanyang papel na gagampanan ang lokal na pamahalaan, ahensiya ng gobyerno, at pribadong sektor para magtagumpay ang kasunduan na tatagal ng 10-taon para kahit papaano ay maibsan ang pagbaha sa lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com