Calendar
Mabuti ngunit ‘striktong’ ina
HINDI biro ang maging ina ng 38 itinuturing na mga anak, lalu na at may kanya-kanyang pananaw, paniniwala, at prinsipyo ang bawa’t isa sa mga ito na kailangang pakinggan at unawain ng isang mabuting ina.
Ganito isinasalarawan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang kanyang tungkulin bilang Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod na kinabibilangan ng 38 mga konsehal mula sa anim na disrito ng Lungsod ng Maynila.
Kilala ng marami ang karakter ng bise alkalde bilang kalog, makulit, masayahin, palabiro, at palangiti, na nakikita at napapanood araw-araw ng mga netizens at kanyang libo-libong followers sa social media kaya’t ito na ang tumatak sa kanilang isipan.
Hindi lang mga netizens ang nag-aakala na ganito ang karakter ng bise alkalde dahil may ilan din siyang “anak” sa Konseho na naging palagay ang loob na kumilos ng lagpas sa umiiral na panuntunan kapag may nagaganap na sesyon.
Kaya nang minsang magpakita ng hindi angkop sa wastong pag-uugali sa kasagsagan ng sesyon sa konseho ang isang konsehal, dito nila nakita ang itinatagong bangis at pagiging istrikta pagdating sa trabaho ng kanilang Presiding Officer.
Sabi nga ni VM Chi, hinahayaan niyang magsalita sa sesyon ang sinumang nais magsalita pero huwag maging pasaway at walang disiplina. Mabait aniya siyang tao na umaakto bilang ina ng mga konsehal pero pagdating sa trabaho at nagkabastusan, hindi niya ito mapapalagpas.
Para kasi sa bise alkalde, puwede naman siyang biruin at makipagbiruan kapag wala sa trabaho pero kailangan namang ibigay sa kanya ang respeto sa oras ng kanilang trabaho.
Sa kabila ng pagiging istrikta, binibigyan pa rin niya ng pagkakataon ang lahat ng mga konsehal na lumawak ang kaalaman at matutong mag-preside ng sesyon sa konseho.
Ibinibigay din niya ang kredito sa sinomang konsehal na pangunahing umakda ng ipinapasa nilang ordinansa at resolusyon nang sa gayon ay malaman ng mamamayan ng lungsod, lalu na sa kanilang distrito, kung ano ang kanilang ginagawa at nagiging ambag sa panahon ng kanilang panunungkulan.
18 Maleta Boys ni Zaldy Co, kabi-kabila ang kinakaharap na kaso
SA dami ng mga kasong kakaharapin ng mga nagpakilalang bodyguard ni dating Congressman Zaldy Co, posibleng sa mga darating na panahon ay mararamdaman nila kung gaano kahirap humarap sa mga usapin lalu na’t kinakailangan nilang sagutin ang bawa’t reklamo.
Sa ngayon, hindi pa nila iindahin kahit gaano pa karaming kasong cyber liber at perjury ang isampa laban sa kanila, dahil batid naman ng marami ang suportang kanilang natatanggap, hindi lang sa kanilang abogadong si Atty. Levi Baligod na kasama nila sa kaso, kundi sa kanilang handler na lantad na nasa panig ng kampo ni Vice President Sara Duterte.
Hindi kasi maiaalis na umaasa sila na sa taong 2028 ay magbabago ang ihip ng hangin kaya bukod sa 18 Maleta Boys, may mga lumutang pa na nagsabing nakapag-deliver din daw sila ng male-maletang salapi sa mga pinipili nilang personalidad na malinaw na hindi ka-alyado ng kanilang bossing.
Ang isa sa mga kasong kailangang sagutin at sumpaan ng personal ng mga bagmen at kanilang abogado ang reklamong inihain ni Lanao del Sur 1st District Congressman Zaur-Rahman Alondo Adiong sa Marawi City.
Obligado ang mga inireklamong bagmen na magtungo ng Marawi para dumalo sa pagdinig at sa paglilitis sakaling umakyat sa korte ang kaso. Siyempre, kailangan nilang bumalik ulit sa Maynila para harapin naman ang mga kasong dinidinig sa Department of Justice (DOJ)
Abangan na lang natin kung hanggang saan tatagal ang usapin at kung papaano ito haharapin ng mga inaakusahan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
