Calendar
VP Sara dapat humarap sa senator-judge
ISANG mapagpalang araw sa lahat ng ating suki, lalo na sa ibang bansa.
Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Winger dela Cruz, La Dy Pinky, Endo Yumi, Tata Yap Yamazaki, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin sina Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
***
Nakatutuwa naman ang ginagawang pagtulong ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa mga nasalanta ng malakas na paglindol sa Mindanao.
Hindi lang ang pag-donate ng forfeited at confiscated goods, na kagaya ng damit, construction materials at pagkain, ang ginagawa ng iba’t ibang ports of entry sa bansa.
Ang ibang BOC personnel ay namimili na, galing sa kanilang mga sairiling bulsa, ng relief goods para ipamigay sa mga kababayan nating Mindanaoan nangangailangan ng agarang tulong.
Sa pangunguna ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ipinapakita ng mga personnel ng ahensiya na hindi lang sila magaling na revenue collector.
Hindi rin sila nagpapahuli kung ang pag-uusapan ay kawanggawa.
Sa totoo lang, puwede silang ikumpara sa Philippine Red Cross (PRC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang PRC at DSWD ay pinangungunahan ni former Senator Richard “Dick” Gordon ng Olongapo City at Secretary Rex Gatchalian ng Valenzuela City, ayon sa pagkakasunod.
Sa totoo lang, kahit walang kalamidadad, boluntaryong namimigay ng tulong ang BOC sa mga nangangailangan ng tulong.
Madalas nga ay idino-donate sa local government units (LGUs) ang mga kumpiskado at abandonadong imported goods para ipamigay sa mga mahihirap.
***
Habang papalapit ang July 6 impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado ay inaasahang lalabas pa ang maraming fake news.
Sana tigilan na ang pagpapalabas ng fake news at isentro na lang ang mga diskusyon sa kaso.
Dapat ng malaman ng taumbayan ang mga katotohanan.
Kung walang kasalanan si VP Duterte sa mga kasong ibinabato sa kanya ng House of Representatives ay dapat siyang maabsuwelto.
Pero kung totoo naman ang mga ipinaparatang sa kanya ay dapat siyang matanggal sa puwesto para hindi na siya muling makahawak ng puwesto sa gobyerno.
Ang isang mataas na opisyal na matatanggal sa pamamagitan ng impeachment ay hindi na puwedeng maging public servant kahit barangay tanod man lang.
Kaya dapat humarap sa senator-judges si Bise Presidente Duterte para marinig ang kanyang panig.
Hindi puwedeng ang kanyang mga abogado lang ang sumasagot sa mga bintang sa kanya.
Tama ba kami, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.?
***
Mabilis talaga ang pag-usad ng panahon.
Sa isang Martes ay Hunyo 30 na.
Maku-kumpleto na ni Pangulong Bongbong Marcos ang apat na taon ng kanyang six-year presidency.
Matatandaan na umupo si Pangulong Marcos sa Malakanyang noong katanghaliang-tapat ng Hunyo 30, 2022.
Kaya meron na lang dalawang taon ang administrasyon para tugunan ang maraming problema sa bansa.
Lalo na ang kahirapan, kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin, at katiwalaan.
Kaya mahalagang may makulong na “malalaking isda” bilang tugon sa nakaraang SONA ni Pangulong Marcos na “Mahiya naman kayo.”
Aabangan ng taumbayan ang kanyang report sa kanyang SONA sa darating na Hulyo 27.
(Para sa komento at pagbati, mag-text sa #0917-8614484.)

