Calendar
Bebot binugbog na pinagnakawan pa, kasamang biktima isinama ng 2 nakatakas na suspek
BINUGBOG at pinagnakawan ng tatlong kalalakihan ang isa sa dalawang bebot na dinala nila sa isang hotel, bago isinama ang isa pang biktima sa pagtakas ng dalawa Martes ng hapon sa Pasay City.
Nasagip naman ng pulisya ang isa sa mga biktima na si alyas “Editha” na 33-anyos, at naaresto ang isa sa mga suspek na si alyas “Bertolo,” 39-anyos at residente ng Barangay 14, Pasay City, nang matunugan ng supervisor ng hotel ang nagaganap na komosyon sa loob ng inokupang silid ng mga suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa isang bantog na fast-food chain sa Makati City sina Editha at alyas “Kylie” na 34-anyos, kasama ang mga kaibigan dakong alas-2:40 ng madaling araw, nang makipag-kaibigan sa kanila ang mga suspek na sina Bertolo, alyas “Jonard” at isang hindi nila nakilala bago sila inimbitahan sa isang inuman.
Nagtiwala ang dalawa at sumama sa mga suspek na sakay ng isang itim na Toyota Fortuner subalit sa halip na pag-iinuman, inikot-ikot sila sa Makati hanggang Cavite kaya’t nakahalata na ang dalawa at nagsumamong pababain na lang sila.
Dito na naging marahas ang mga suspek lalo na nang mapansing vini-videohan sila ni Kylie na dahilan para samsamin ang kanilang cellphone, sinaktan at piniringan ang mga mata, bago nagtungo sa isang hotel sa Pasay City dakong alas-5:40 na ng umaga.
Nang makapag-check in ang mga suspek, palihim nilang dinala sa loob ng silid si Editha kasama si Bertolo, bago umalis kaagad ang dalawa kasama ang biktimang si Kylie.
Nang hindi na bumalik ang dalawang suspek, nagpasiya ang supervisor ng hotel na magtungo sa inokupahan nilang silid dakong alas-2:40 ng hapon at dito na niya narinig ang kalabugan na dahilan para siya ay humingi ng tulong sa CCP Police Sub-Station 1, na nagresulta sa pagkaka-rescue kay Editha na duguan na sa tinamong gulpi at pagkakadakip kay Bertolo.
Ayon sa biktima, nai-transfer ng suspek sa kanyang account ang P18,000 niya sa bangko sa pamamagitan ng online banking at kinuha pa nito ang dala niyang P3,000 cash.
Tinutugis na ng mga pulis ang nakatakas na dalawang suspek na puwersahang nagsama sa isa pang biktima.
