Calendar
Seguridad sa trabaho para sa JO, COS workers hiniling
IBINUNYAG sa pagdinig ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian ang patuloy na kawalan ng katiyakan sa trabaho ng libu-libong job order (JO) at contract of service (COS) workers sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa pagtalakay ng panukalang 2026 budget, binigyang-diin ng mga senador ang pangangailangang magkaroon ng pangmatagalang programa para sa seguridad sa trabaho ng mga kawani na matagal nang nagsisilbi sa gobyerno ngunit nananatiling hindi regular at walang mga benepisyong tinatamasa ng permanenteng empleyado. Ayon sa mga senador, marami sa kanila ang gumaganap ng mga regular na tungkulin ngunit hindi saklaw ng civil service protection.
Tinukoy sa pagdinig na patuloy na umaasa ang mga ahensya sa mga JO at COS personnel para sa mga mahahalagang gawain, ngunit kadalasan ay mababa ang sahod, walang benepisyo, at walang kasiguraduhan sa kontrata taon-taon.
Hinikayat ng komite ang Civil Service Commission (CSC) na pabilisin ang mga hakbang tungo sa regularisasyon ng mga kwalipikadong manggagawa at magsagawa ng mga repormang magpapatibay sa seguridad sa trabaho sa gobyerno.
Ipinanawagan ni Gatchalian at ng iba pang senador na ipresenta ng CSC at Department of Budget and Management (DBM) ang isang malinaw na transition plan para sa patas na pagtrato at makatarungang pasahod sa mga contractual personnel.
Binigyang-diin din ng mga mambabatas na dapat isama sa rationalization plan ng gobyerno ang mga probisyon para sa kapakanan at proteksyon ng mga kawani.
Ipinaliwanag ng mga opisyal ng CSC na kanilang pinangangalagaan ang prinsipyo ng merit at fitness habang isinasaalang-alang ang kakayahan ng mga ahensya sa gastusin. Anila, nagpapatuloy ang mga reporma sa human resource governance, kabilang ang mga retooling program at digitalization ng civil service system upang mapaigting ang kahusayan sa serbisyo.
Binigyang-diin ng Senado na ang kawalan ng job security ay nakaaapekto sa morale ng mga manggagawa at sa kalidad ng serbisyo publiko, lalo na sa mga ahensiyang umaasa sa mga pansamantalang kawani.
Ipinanawagan ng mga mambabatas na dapat itong pagtuunan ng pansin sa deliberasyon ng 2026 national budget upang matiyak na protektado at motibado ang mga lingkod-bayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

