Vargas

Pagkakapasa sa 2026 national budget walang hokus-pokus -Vargas

Mar Rodriguez Oct 15, 2025
273 Views

Vargas1SINEGUNDAHAN ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas ang pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na walang naging “hokus-pokus” sa pagkakapasa ng Kamara de Representantes sa 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Pagbibigay diin ni Vargas na sinikap ng liderato ng Kamara na maging transparent ang proseso ng pagpapasa sa 2026 national budget upang mapawi ang anomang agam-agam at pagdududa ng publiko.

Sinabi ng kongresista na sinasang-ayunan nito ang pahayag ni Speaker Dy na ang pagkakapasa sa 2026 national budget ay ginawa sa liwanag at hindi sa dilim na nangangahulugan lamang na walang kahina-hinala ang nakapaloob sa naturang pambansang pondo.

Nauna nang sinabi ni Speaker Dy na: “Isang budget na ginawa sa liwanag hindi sa dilim, na pinagtuunan ng sapat na oras at nangibabaw ang puso at isip at hindi ang pansariling interes”.

Dahil dito, sabi pa ni Vargas na kaya makakaasa ang mamamayang Pilipino na wala silang dapat ipangamba sa pagkakapasa ng panukalang P6.793 trilyong national budget sapakat ito aniya ay binusising mabuti, pinagsunugan ng kilay at pinagpuyatan ng mga mambabatas.

Ayon kay Vargas, layunin nito na makita ng publiko na wala silang itinatago at wala silang ibang hangarin kundi ang tiyakin na ang bawat piso ay bumabalik sa mamamayan mula sa buwis na kanilang ibinabayad.

Kasabay nito, inihayag ng kongresista na naging matagumpay ang isinagawa nilang Senior Citizen Health Card Distribution sa Barangay Kaligayahan na isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at madaling maabot na serbisyong pangkalusugan para sa mga Lolo at Lola.

Tiniyak ni Vargas na patuloy nitong isinusulong ang mga ganitong programa para mapangalagaan at mabigyan ng halaga ang kalusugan ng mga Lolo at Lola.