Abante2 Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante

Abante hinimok Kamara, Ombudsman na tingnan mga bintang ni Madriaga vs VP Sara

238 Views
Madriaga
Ramil Madriaga
Sara
Vice President Sara Duterte

NANAWAGAN si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante nitong Biyernes sa Ombudsman at sa mga kaukulang komite ng Kamara de Representantes na imbestigahan ang sinumpaang alegasyon ni Ramil Lagunoy Madriaga, na nagsasabing ang kampanya ni Vice President Sara Duterte noong 2021–2022 ay pinondohan ng pera mula sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at mga drug dealer.

“These are serious allegations and are all contained in a sworn affidavit. Napakadetalyado ng mga kuwento ni Madriaga. We need to investigate this thoroughly if there is any truth to any of his claims,” pahayag ni Abante.

“Ang pagtanggap ng campaign contributions mula sa POGO at drug dealers ay hindi lamang ilegal, kung ito nga ay totoo. This also has implications on national security dahil ang POGO ay connected sa China. Kailangan nating malaman kung tumanggap ng pera si VP Duterte sa mga POGO at drug lords,” dagdag niya.

Kabilang sa mga alegasyon ni Madriaga ang personal niyang paghahatid ng cash sa isang comedy bar sa Timog kung saan umano naroon ang noo’y spokesperson ng Office of the Vice President (OVP) na si Reynold Munsayac, mga handoff sa parking area ng Office of the Ombudsman at sa SM Megamall, pagbiyahe gamit ang isang puting Toyota Vios na may kargang hanggang P80 milyon, at paulit-ulit na pag-drop sa isang tirahan sa Jordan Plains, Novaliches.

Sinabi rin niyang siya ang nag-organisa ng ISIP Pilipinas network at nakatrabaho ang mga personalidad na konektado sa Vice Presidential Security and Protection Group.

Ang mga alegasyong ito ay nangangailangan ngayon ng independiyenteng pagsusuri, lalo na’t itinanggi na ng mga pinangalanan ang anumang kaugnayan.

Binigyang-diin ni Abante na ang isang kredibleng imbestigasyon ay dapat mangalap ng mga dokumento, i-reconcile ang mga timeline, at ilagay ang mga pahayag sa ilalim ng panunumpa sa bukas na pagdinig upang masuri ng publiko ang facts at timbangin ang mga pagtanggi na nauna nang inilabas.

Sinabi ng mambabatas na ang Ombudsman ay may mandato para magsagawa ng parallel fact-finding, lalo na sa mga kaso ng maling paggamit ng posisyon sa gobyerno at posibleng katiwalian, habang ang mga pagdinig sa Kongreso ay maaaring maglantad ng mga kakulangan sa polisiya hinggil sa campaign finance, anti-money laundering coverage, at mga protocol ng security group na maaaring kailanganing higpitan.

“Kung hindi naman totoo, lalabas din naman ito sa imbestigasyon,” aniya.