Bodega ng J&T Express sa Pulilan nilimas ng Gapos Gang

Bernard Galang Jan 14, 2026
212 Views

PULILAN, Bulacan — Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang nagnakaw sa bodega ng courier company na J&T Express sa Barangay Poblacion dito matapos itali ang mga empleyado at tumakas dala ang mahigit P300,000 na cash.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng Bulacan police na ang mga biktima, na pawang empleyado ng courier warehouse, ay kinilalang sina Earl James Arceo, 26, quality assurance staff at residente ng Barangay Paltao, Pulilan; Jerod Hagen, 27, quality assurance staff at residente ng Barangay Cutcot, Pulilan; Ashley Princess Candelaria, 25, quality assurance staff at residente ng Barangay Poblacion, Pulilan; at Mark Fernando, 30, delivery rider at residente ng Barangay Taal, Pulilan.

Ayon sa paunang imbestigasyon, ang mga suspek na sakay ng hindi pa batid na sasakyan ay puwersahang pumasok sa bodega, iginapos ang mga empleyadong naka-duty, at tinangay ang tinatayang P307,000 na halaga ng kanilang benta.

Matapos ang insidente, sumakay muli ang mga suspek sa kanilang sasakyan at tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Sinabi ng pulisya na ginapos ang mga biktima ng mga suspek sa kasagsagan ng pagnanakaw.

Nagkasa na ng manhunt operation ang Pulilan police at kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking at forward tracking gamit ang mga available na closed-circuit television (CCTV) footage sa lugar upang makilala ang mga suspek at ang sasakyang ginamit sa krimen.

Nagpalabas na rin ng flash alarm sa mga kalapit na yunit ng pulisya para sa posibleng pag-aresto sa mga suspek at pagbawi ng ninakaw na pera.