Energy

VAT-free na kuryente, insurance para sa line workers itinutulak sa Senado

139 Views

NAGHAIN si Sen. Francis “Chiz” Escudero ng panukalang batas na naglalayong ipag-utos ang pagkakaloob ng insurance para sa mga line worker na nagtatayo, nagmamantini at nagkukumpuni ng mga linya ng kuryente sa bansa.

Ang Senate Bill No. 498, o Line Workers Insurance and Benefits Act, ay inihain kasunod ng panawagan ni Escudero na gawing VAT-free ang kuryente upang mabawasan ang gastos ng mga konsyumer.

Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang mga pribadong distribution utility, electric cooperative at transmission o grid operator na magbigay ng insurance at benepisyong kinabibilangan ng retirement at disability benefits, tulong sa pagkamatay at pagpapalibing at reimbursement sa gastusing medikal ng mga line workers.

“The coverage of my proposed bill also extends to drivers, helpers, and support crew who are deployed alongside line workers during construction and maintenance operations,” ayon kay Escudero.

Dagdag pa niya, ang mga employer ang sasagot sa buong halaga ng insurance premium at hindi ito maaaring ibawas sa sahod ng mga manggagawa.

Ipinaliwanag ng senador na hinango ang panukala sa House Bill No. 7561 na inaprubahan ng House of Representatives noong 19th Congress.

Nakabinbin ang Senate Bill No. 498 sa mga komite ng Senado sa enerhiya at paggawa.