Calendar
OFW nagtangkang magpuslit ng P43.4M coke, buking sa NAIA
TIMBOG ang 30-anyos na babaeng overseas Filipino worker (OFW) matapos mabisto ang tangkang pagpupuslit papasok sa bansa ng 8.1 kilo ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Magkasanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP), Bureau of Customs (BOC) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang umaresto sa domestic helper na si alyas “Vane” Huwebes ng gabi nang matuklasan ang dala niyang ilegal na droga na nagkakahalagang P43.4 milyon na nasa lihim na sisidlan ng itim na maleta na kanyang dala.
Ayon kay AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., inupuan ng PDEA Narcotics Detection Dog ang maleta ng OFW na isang indikasyon na may ilegal na droga sa loob nito, kaya binuksan para inspeksiyuin ng mga awtoridad, suot ang kanilang body camera.
Napag-alaman na galing ang OFW ng Sao Paulo, Brazil, na may connecting flight sa Doha, Qatar, bago lumapag ang sinasakyan niyang eroplano sa NAIA Terminal 3 dakong alas-7:20 ng gabi.
Nasa pangangalaga na ng NAIA-IADITG ang OFW at ang nakumpiskang ilegal na droga para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Through rigorous screening and close coordination with airport authorities, partner agencies, and stakeholders, AVSEGROUP remains firm in enforcing the law and protecting the public from illegal drugs,” pahayag ni Bartolome.

