LTFRB

LTFRB ipatitigil operasyon ng mga ilegal na terminal

Jun I Legaspi Jan 25, 2026
243 Views

NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatitigil ang operasyon ng mga ilegal na terminal lalo na sa mga urban na lugar.

“Sa napakatagal na panahon, laging binabalewala ang kapakanan ng ating mga kababayang mananakay.

Dapat na itong matigil. Ngayon ay nagsisimula na kami ng agresibong reporma na nakatuon sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong commuter,” sabi ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II.

Karaniwang pugad ng mga colorum na sasakyan at pinagmumulan ng katiwalian sa kalsada ang mga ilegal na terminal.

Kadalasan, ang mga ito ay matatagpuan sa mga delikadong lugar, walang maayos na silungan, malinis na palikuran at komportableng espasyo para sa mga buntis, bata, PWD at nakatatanda.

Binigyang-diin ng LTFRB official na labag ito sa polisiya ng LTFRB hinggil sa tamang pamantayan ng mga terminal ng pampublikong transportasyon.

Ipinaliwanag din ng LTFRB na ang mga colorum na sasakyan ay walang insurance system, kaya’t sa oras ng aksidente, ang mga pasahero at kanilang pamilya ang magbabayad ng gastusin sa pagpapagamot o libing.

“Ang mga terminal na nagpapahintulot sa operasyon ng colorum na sasakyan ay hindi maa-accredit at ang kanilang mga opisyal ay kakasuhan,” babala ni Chairman Mendoza.

Magpapadala rin ang LTFRB ng mga “mystery passengers” upang matukoy ang mga ilegal na terminal, partikular sa Metro Manila at iba pang urban na lugar.

Inatasan na rin ang lahat ng regional directors ng LTFRB na magsagawa ng biglaan at random na inspeksyon sa mga bus station at PUV terminal sa kani-kanilang nasasakupan.

“Hindi natin dapat hintayin ang mga holiday bago magsagawa ng inspeksyon. Ang mga hindi susunod ay dapat asahan ang kaukulang parusa,” giit ni Chairman Mendoza.

Muling iginiit ni Chairman Mendoza na malinaw ang kanyang direktiba—unahin ang kaligtasan, kaginhawaan at kapakanan ng mga mananakay.

Pinayuhan niya ang lahat ng PUV operators na gumamit lamang ng mga terminal na accredited ng LTFRB.

“Kung patuloy silang susuporta sa mga hindi accredited na terminal, maaaring masuspindi at tuluyang mabawi ang kanilang prangkisa,” aniya.