Calendar
Chinese na sangkot sa nakawan sa airlines tiklo sa BI
NATIKLO ng Bureau of Immigration (BI) ang Chinese national na pinaghihinalaang kasapi sa “Salisi Gang” na sangkot sa mga nakawan sa mga eroplano.
Nahuli si Zhou Wei, 52, matapos tangkaing pumasok sa bansa noong Enero 20 sakay ng Malaysia Airlines mula Kuala Lumpur sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ayon sa BI Advance Passenger Information System (APIS) Operations Center (APOC), nakatanggap ang kanilang tanggapan ng system alert na nagbigay ng impormasyon hinggil sa mga galaw ni Zhou.
Karaniwang modus ng grupo ang pagkuha ng hand luggage mula sa overhead compartment at babalik sa kanilang upuan at palihim na susuriin ang laman upang makapagnakaw ng salapi at iba pang mahahalagang gamit.
Pagdating sa bansa, nasabat si Zhou at hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas.
Pinabalik siya sa kanyang bansang pinagmulan at isinama sa blacklist ng BI.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang operasyon ay naisakatuparan sa tulong ng UN goTravel software ng UN Office of Counter-Terrorism katuwang ang pamahalaan ng Australia.

